Friday, October 12, 2012

Hindi Ko Siya Kilala


                      Ngumiti ako at sa pagngiti kong iyon, nakita ko sa salamin ang isang dalagitang nakangiti pabalik sa akin. Peke at halatang pilit lamang ang ngiting iyon- ngiting nagpapahiwatig ng pagod, hirap at pagkabigo na pinagdaraanan niya marahil ngayon. Ito’y isang ngiti ng nalalapit ng pagsuko sa buhay. Naawa ako sa kanya at sa tuwang pinipilit niyang  ipinta sa kanyang mukha kahit pa pakiramdam niya’y pasan niya ang mundo. Nakakalungot lang isipin na ang ngiting iyon ay mula sa isang taong kabisadong-kabisado ko ang pangalan at pigura ng katawan. Pero kung sino siya talaga, iyon ay hindi ko alam. Higit pang nakakalungkot isipin na dapat kilalang-kilala ko siya dahil pilit ko mang iwaksi sa aking isipan, ang taong iyon at ako ay iisa.
                        Hindi ko siya kilala. Hindi ko alam kung anong nais niyang gawin sa buhay niya o kung sino ba talaga ang gusto niyang maging balang-araw. Ang tanging alam ko ngayon ay ang kasaysayan ng buhay niya. Alam ko ang kuwento sa likod ng ngiti ng babaeng iyon sa sarili kong salamin. Naroon ako sa mga panahong umiyak siya dahil sa pagkabigo sa lahat ng aspeto ng buhay- sa buhay-pag-aaral, sa buhay- pag-ibig at sa buhay mismo. Nakita ko kung paano siya manliit sa harap ng mga tao pagkatapos niyang matamaan ng bato sa mukha nang hindi sinasadya ang kanyang kaklase. Kitang-kita ko kung paano siya lumundag sa tuwa nang sabihin ng kanyang mga magulang na sa Virac na siya mag-aaral. Alam niyang sa paraang iyon matatakbuhan niya ang nagawa niya. Nasaksihan ko kung paano siya magalit nang lihim sa mga taong sumalungat sa kanya nang minsang sinabi niyang Journalism ang nais niyang kuning kurso sa kolehiyo. Nakita ng dalawa kong mata lahat ng panahon na kinamuhian niya ang mga taong nasa paligid niya at magpanggap para lang matanggap nila.
                        Sa pagbabalik-tanaw ko sa labing-apat na taong samahan namin ng babaeng iyon sa salamin, nakaramdam ako ng matinding lungkot at awa dahil hinayaan ko siyang maging kung sinuman siya ngayon. Hinayaan kong maging malihim, mapagbalatkayo at sinungaling ang babaeng iyon. Hinayaan ko siyang mawalan ng sariling boses at maging sunud-sunuran sa mga taong nais siyang diktahan. Hinayaan ko siyang magsinungaling at paniwalain ang kanyang sarili na napakaganda ng buhay bagama’t alam niyang niyang hindi. Nais ko siyang kaawaan at pandirihan! Pero kahit gaano ko man ito kagustong gawin, hindi ko magawa dahil bahagi ako ng kanyang pagkatao sapagkat kaming dalawa ay iisa.  
                       Pero uulitin ko, hindi ko siya kilala. Hindi ko kilala ang taong iyon na agad sumusuko sa mga hamon ng buhay. Hindi ko kilala ang taong iyon na basta-bastang tinalikuran ang mga taong iniwan siya na para bang walang nangyari. Hindi ko kilala ang taong iyon na tinatakasan na lamang ang mga balakid sa buhay o kung hindi man ay hinaharap ito nang mag-isa. Hindi ko kilala ang taong iyon na hindi marunong magmahal sa kanyang sarili.
                       Natigilan ako at bigla kong napagtanto na dapat pala masaya ako para sa kanya dahil sa puntong ito naisulat niya ang katotohanan sa isang sanaysay . Alam kong sa wakas, pinili niyang magpakatotoo sa sarili.Hangang-hanga ako dahil nagawa niyang aminin sa kanyang sarili at sa inyo na hindi siya perpekto at isa lamang siyang taong makasalanan din. Siya nga pala, kilala ko nang muli ang babae sa aking salamin dahil ang dating siya na nagpapakatotoo ay nagbalik na. Kilalang-kilala ko siya dahil gaya nga ng sabi ko, kaming dalawa ay iisa.

0 comments:

Post a Comment

 

The Fault In Our Stars Copyright © 2012 Design by Antonia Sundrani Vinte e poucos